Dead on arrival sa Maria Eleazar Memorial District Hospital sa bayan ng Tagkawayan, Quezon ang isang sundalo ng 96th Infantry Battalion, Philippine Army, na naka assign sa Barangay Bagong Silang, matapos itong pagbabarilin sa kanyang barracks o kubo sa loob mismo ng kanilang kampo noong Miyerkules ng umaga.

Ayon sa report ng Tagkawayan Municipal Police Station, nasa loob ng kanyang kubo ang biktima na kinilalang si Corporal Pe Tampoco, 32-anyos, nang pagbabarilin ito gamit ang kalibre .9 mm.

Nagtamo ang biktima ang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

 

Photos by Peewee Bacuño
Photos by Peewee Bacuño

Bago mangyari ang pamamaril ay kainuman pa umano ng biktima ang ilan sa kanyang mga kasamahan. Posible raw na nakaalitan ng biktima ang suspek habang nag-iinuman.

Ayon kay Major Ace Aceret, Executive Officer ng 96th Infantry Battalion, nagulat raw sila at nalulungkot sa nangyari dahil sa loob pa mismo ng kampo nangayari ang krimen. Nang malaman daw nila ang pangyayari ay agad daw silang nakipag ugnayan sa PNP upang maimbestigahan ito.

Bihirang-bihira lang naman daw mangyari ang ganito. Sana raw ay huwag mawala ang tiwala ng taongbayan sa kanila sa pangyayaring ito.

Umasa raw ang publiko na mananagot sa batas ang pumatay sa sundalo. 

Tumangging humarap sa camera ang asawa ng biktima. Pahayag niya, sana raw ay magkaroon ng hustisya ang nangyari sa kanyang asawa.

Naabutan ng GMA News ang suspek na isa ring sundalo na isinasakay sa police patrol car kasama ang mga pulis.

 

Dadalhin ang suspek sa Calauag Regional Trial Court upang doon isailalim sa inquest proceedings.

Sinubukan ng GMA News na kunin ang pahayag ng suspek subalit tumanggi ito.

Nakatakdang iuwi sa Ocampo, Camarines Sur ang labi ang biktima. —LBG, GMA News