Sugatan ang isang pulis sa Leyte nang pagtatagain ng isang lalaking nag-amok at tumakas matapos ang krimen, ngunit nahuli rin kalaunan.

Sa ulat ng "Unang Hirit" nitong Biyernes, sinabing nakatanggap ng ulat ng isang lalaking nag-amok sa Barangay Dapdap sa bayan ng Alangalang.

Agad naman umanong rumesponde ang mga pulis.

Kabilang sa mga rumesponde ay si Police Master Sargent John Alvin Claro.

Nang makakita umano ng nag-amok na lalaki na may hawak-hawak na bolo ang mga pulis, agad na sumugod ito at pinagtataga si Claro.

Naisugod agad sa ospital ang sugatang pulis, at tumakas ang suspek.

Ayon sa ga pulis, nahuli rin kalaunan ang suspek na mahaharap sa kasong frustrated murder. —LBG, GMA News