Nanawagan si Isabela City, Basilan Mayor Sitti Djalia Turabin-Hataman sa kaniyang mga kababayan na huwag maliitin at pandirihan ang mga frontliner na humaharap sa laban sa COVID-19 pandemic.
"Kung may kapitbahay kayong frontliner, please irespeto at pahalagahan niyo. Padalhan niyo ng merienda, kumustahin niyo. Hindi po yung nirereklamo niyo, pinangdidirihan niyo, pinapaalis, minamaliit niyo ang trabaho," saad ng alkalde sa kaniyang Facebook post.
Isinabay ni Hataman ang pakiusap kaugnay sa pinakahuling bilang ng isinagawang contact tracing nila at swab test mula Mayo 27 hanggang Agosto 14.
Ayon sa alkalde, mabilis ang ginagawang paghahanap ng mga frontliner nila sa mga nakasalamuha ng COVID-19 positive, at kaagad din napapa-swab test.
Sinabi nito na 729 katao na ang kanilang na-swab, kung saan 79 ang naging positibo, 607 ang negatibo, 43 na ang gumaling, at 42 pa ang hinihintay ang resulta.
"Ganyan po kabilis ang ating contact tracing at swabbing teams. Ang recoveries po natin ay inalagaan ng ating mga health workers. Lahat po yan mga frontliner. Sila rin ang nag-aalaga at nagsisiguro na ang mga naka-quarantine ay hindi lumabas at nasa maayos na kalagayan," ayon kay Hataman, na kagagaling lang din sa COVID-19 kasama ang kaniyang asawa na si Basilan Representative Mujiv Hataman.
Binigyan-diin ng alkalde na isinasakripisyo ng mga frontliner ang sarili nilang kaligtasan para sa kaligtasan ng iba.
"Kung wala sila [frontliners], ano na lang?," tanong ni mayor Hataman. "Sa sakripisyong ginagawa nila, sumusugod sa laban kahit na alam nilang pwede silang tamaan, ang ipakita ang ating pasasalamat ang pinakasimpleng bagay na maibalik natin sa kanila."
Kamakailan lang, iniulat na isang frontliner na nurse sa Makati ang napilitang matulog sa kalsada matapos siyang palayasin sa tinutuluyan niya boarding house.
READ: Nurse with COVID-19 slept on streets after eviction from boarding house
Sa post ni Hataman, igiiit niya na dapat pagmalasakitan ang mga frontliner dahil, "Sila ang lumalaban para ikaw ay hindi tamaan ng sakit. At kapag nagkasakit kayo, Covid 19 man o hindi, sila ang mag- aalaga sa 'yo, kahit na alam niyang pwede siyang mahawa sa'yo." --FRJ, GMA News