Inaresto ng mga awtoridad ang isang lalaki sa Ozamiz City matapos nitong suwayin ang ipinatutupad na quarantine protocols, ayon sa ulat ng Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.
Pumunta raw ang barangay COVID-19 committee sa bahay ng lalaki upang sabihing hindi puwedeng mag-home quarantine ang anak nitong galing Cebu City.
Kailangan daw dumaan sa barangay quarantine center ang kanyang anak gaya ng lahat ng locally stranded individuals na galing sa mga COVID-19 hotspots.
Nagmatigas ang lalaki at tumutol na ilabas ang kanyang anak sa bahay.
Dito na siya inaresto ng mga awtoridad.
Wala pang pahayag ang mag-ama na mahaharap sa mga kaso. —KG, GMA News