NUMANCIA, Aklan - Isang 48-anyos na babae ang unang naitalang namatay sa sakit na COVID-19 sa lalawigan ng Aklan.
Base sa ipinalabas na pahayag ng Numancia Rural Health Unit, pumuntang Iloilo ang biktima noong Agosto 3 para magpa-checkup dahil sa nararamdaman na nitong kakaiba.
Na-confine raw ang babae sa isang ospital sa Iloilo kung saan siya namatay.
Patuloy ang isinasagawang contract tracing sa mga taong nakalapit sa biktima bago ito mamatay.
May 21 na naitalang kaso ng COVID-19 sa Aklan at 10 dito ang aktibong mga kaso.
Samantala, sa buong Pilipinas, umabot na sa 129,913 ang mga naitalang kaso ng COVID-19 hanggang nitong Linggo, ayon sa Department of Health.
Ang mga gumaling na ay 67,673 habang 2,270 na ang namatay. —KG, GMA News