Nasira ang ilang taniman ng mais at gulay sa bayan ng San Francisco sa lalawigan ng Quezon dahil sa baha dulot ng malalakas na pag-ulan dala ng hanging Habagat na pinaigting ng bagyong Enteng nitong Sabado.

 

Photos courtesy of Grey Nuñez
Photos courtesy of Grey Nuñez

Nalubog din sa baha ang malaking bahagi ng highway sa barangay at walang sasakyang nakadaan dito.

Napilitan ang mga tao na suungin ang rumaragasang baha para lang makatawid.

Nalubog din sa baha at nasira ang mga taniman ng mais, mani, at gulay. Inanod din ang mga niyog na inani at ganoon din ang mga lumber. 


Nasira din ng baha ang isang bahay at nalubog ang ilang kabahayan.

Wala namang naiulat na nasawi o nasaktan sa pagbaha. Ngunit kinailangan ding lumikas pansamantala ng ilang residente sa isang sitio dahil sa pag-apaw ng isang malaking ilog.

Ayon sa mga residente sa lugar, ngayon lang daw  nangyari ang ganito kalaking pagbaha.

Bumabaha naman daw noon pero wala pang isang talampakan ang lalim at mabilis lang ang paghupa.

Posible raw na ang mga basura at kahoy na humarang sa imburnal ang dahilan ng pagbaha. Wala rin umanong kanal ang gilid ng highway.

Sa mga oras na ito nakararanas pa rin ng pag-ulan ang ilang lugar sa probinsya ng Quezon. —LBG/KG, GMA News