Nasabat ng mga awtoridad ang aabot sa isang kilong pinaghihinalaang shabu sa buy-bust operation sa Lanao del Norte.

Nagkasa ng joint operation ang mga elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 10, at mga tauhan ng 5th Mechanized Infantry Battalion dakong 12:30 ng hapon noong Biyernes sa Barangay Sigayan sa bayan ng Sultan Naga Dimaporo.

Arestado naman ang dalawang suspek na kinilalang sina Jamalodin Musa Odin, at Asna Minalang Odin, kapwa taga-Purok 3, Brgy. Calibao.

Nasamsam sa mga suspek ang isang pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na isang kilo at tinatayang nagkakahalaga ng P6.8 million.

 

Photo courtesy: Lanao del Norte Provincial Office
Photo courtesy: Lanao del Norte Provincial Office

Kasamang nasamsam ay boodle money na nagkakahalaga ng P2.8M, isang motorsiklo, at cellphone.

Ayon ka Police Major Salman Saad, PIO ng Provincial Police Office, ang mga suspek ay matagal na umano nilang minanmanan, at target-listed sila ng mga taga-PDEA dahil sa mga nahuli na nilang mga drug pusher.

Hawak na ng mga awtoridad ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —LBG, GMA News