Patay na at nakatali ang mga kamay at may piring sa mata nang makita ang bangkay ng pamangkin ni Meyah Amatorio na kasama niyang dinukot ng mga armadong lalaki sa Bay, Laguna noong Miyerkules.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nakita ang bangkay ng biktimang ni Adrian Ramos sa Calamba, ilang metro kung saan naman nakita ang bangkay ni Jang Lucero, ang babaeng driver na tinadtad ng sasaksak sa loob ng sasakyan noong nakaraang buwan.
Si Lucero ay kasintahan ni Amatorio.
Ayon sa ulat, nagtamo ng mga saksak si Ramos, bali ang ilong at may nakapulupot na alambre sa leeg na indikasyon umano na pinahirapan muna ang biktima bago pinatay.
Sa bangkay niya, mayroon karton na iniwan at may nakasulat na, "mamamatay tao, pusher at hoodlum ako, huwag tularan."
"Mas malimit kasi ang nakukuha dito, tinatapon na lang kaysa dito pinapatay o dito ginagawa ang krimen, hindi dito," sabi ni Mario Molino, tanod ng Brgy. Maunong.
Kinilala ng mga kaanak ang bangkay ni Ramos dahil sa kaniyang pilay sa kanang paa dulot ng isang aksidente.
Wala pa ring nakakalap na impormasyon ang pulisya kung nasaan si Amatorio.
Hindi rin muna nagbigay ng panibagong pahayag ang abogado ng mga Amatorio dahil sa pangamba sa seguridad ni Meyah.
Umapela na kay Pangulong Duterte si Dolores Amatorio, ina ni Meyah, nitong Miyerkoles.
"Mr. President parang awa mo na naiipit na ang anako ko na pinagbibintang kay Jang Lucero. Wala siyang kasalanan. Pati ang aking apo, inosenteng inosente sila," sabi ni Dolores.
Wala ring bagong pahayag ang NBI Laguna District Office na nasa gitna pa ng imbestigasyon.
Siniguro naman ng Laguna Police Provincial Office na patuloy ang kanilang nagsisikap na mahanap si Amatorio at matukoy ang mga salarin sa likod ng pagdukot.
Una rito, hiniling ng pamilya ni Lucero sa mga awtoridad na isama sa imbestigasyon si Amatorio dahil sa hinala nila na may nalamaman ito sa pagkamatay ng babaeng driver.
Pero itinanggi ni Amatorio sa mga nakaraang panayam na sangkot siya sa pagkamatay ng kaniyang kasintahan.
Naging suspek din at dinakip sa pagkamatay ni Lucero ang dating karelasyon ni Amatorio na si Annshiela Belarmino.
Pero kinalaunan ay pinalaya ng piskalya si Belarmino dahil sa kakulangan ng ebidensiya. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News