Nadakip ng mga awtoridad sa Pampanga ang dating mambabatas at cult leader na si Ruben Ecleo Jr.
Sa ulat ni Ariel Fernandez sa Dobol B sa News TV nitong Huwebes, sinabing nakasaad sa police spot report na nagtago sa pangalang Manuel Liberal si Ecleo.
Nadakip ang 60-anyos na dating mambabatas sa San Fernando, Pampanga dakong 4:30 a.m., kasama ang driver na nagngangalang Benjie Fernan Relacion.
Mayroong arrest warrant laban kay Ecleo para sa kasong katiwalian na inilabas ng Sandiganbayan First Division.
Hinatulan din siya ng korte na guilty noon 2012 sa kasong pagpatay sa kaniyang asawang si Alona Bacolod-Ecleo.
Pinatay si Alona noong 2002 na nakita ang naagnas na bangkay sa isang bangin.
Mahaharap naman sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1829 o Penalizing Obstruction of Apprehension and Prosecution of Criminal Offenders si Relacion.
Dinala ang dalawa sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City "for "investigation and proper disposition," ayon sa police report.
Ang korte sa Cebu ang duminig sa kaso ng pagkamatay ni Alona at hinatulan si Ecleo na makulong ng habambuhay. Pinagbabayad din siya ng P25 milyon danyos sa pamilya ng biktima.
Bago ang naturang hatol, sinentensiyahan din si Ecleo ng Sandiganbayan noong 2006 na makulong ng 31 taon dahil sa maanomalyang kontrata na pinasok niya noong alkalde pa siya ng San Jose, Surigao del Norte mula 1991-94.
Si Ecleo ang dating lider ng Philippine Benevolent Missionaries Association na nakabase sa Dinagat Islands.
Sa isang radio report, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Major General Debold Sinas, na anim na buwan na minanmanan ang galaw ni Ecleo bago siya naaresto.
Number 1 Top Most Wanted Person sa listahan ng Department of the Interior and Local Government si Ecleo at may pabuyang P2 milyon ang pamahalaan sa kaniyang ikadarakip.—FRJ, GMA News