Nais ng pamilya ng babaeng driver na si Jang Lucero na imbestigahan ang kaniyang nobyang si Meyah Amatorio para alamin kung sangkot siya sa karumal-dumal na krimen, bagay na itinanggi naman ng huli. Ang National Bureau of Investigation (NBI), magsasagawa na rin ng kanilang imbestigasyon.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing dumulog sa NBI ang kapatid ni Lucero para muling paimbestigahan ang kaso dahil sa hinala ng pamilya na may kinalaman sa krimen si Amatorio.
“Nagtiis ‘yong bata, minahal niya ng todo-todo tapos ‘yon pala, sinaktan siya. Ngayon ko lang nalaman lahat ‘yon na ganiyan na parang niloloko niya si Jang sa relasyon nila," sabi ni Angela Lucero, kapatid at nagpalaki kay Jang.
"Nakakalungkot. Kung alam ko lang na ganoon ang mangyayari, hindi ko na itutuloy. Ni kahit palo, hindi ko nagawa sa kaniya,” sabi pa ni Angela.
Unang nadawit sa krimen ang dating karelasyon ni Amatorio na si Annshiela Belarmino, at kinasuhan ng Calamba Police sa pagpatay kay Lucero.
Pero nakalaya si Belarmino matapos ibasura ng Calamba Prosecutor’s Office ang reklamong murder dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya na mag-uugnay sa kaniya sa krimen.
Nauna na ring itinanggi ni Belarmino na wala siyang kinalaman sa pagkamatay ni Jang, na nagtamo ng maraming saksak sa katawan.
Samantala, giniit ni Amatorio na walang katotohanan ang hinala ng pamilya ni Jang na may kinalaman siya sa pagkamatay ng kaniyang nobya.
“Ito po ‘yong kamay ko, ‘yong sinasabi niyo pong may sugat na namamaga. Patunayan niyo po, puro po kayo fake news,” ani Amatorio nang makapanayam ng GMA News.
"Naniniwala siya doon sa mga taong gumagawa lang ng kwento. Akala ko kakampi ko sa pagkuha sa hustisya para sa girlfriend ko. Pero kahit na ganito ‘yong nangyari, lalaban ako para sa girlfriend ko,” dagdag pa ng emosyonal na si Amatorio.
Umapela rin si Amatorio na tigilan na ang pag-atake sa kaniya at sa kaniyang pamilya sa social media dahil nasasaktan na raw sila sa mga banta at pananakot na natatanggap nila.
“Sobrang sakit. ‘Di mawawala ‘yong takot dahil sa mga pagbabanta nila. ‘ Di nila alam ‘yong pinagdadaanan ko, doble-doble ‘yong sakit. Pati ‘yong magulang ko naapektuhan, nahihiya ako. Buong bayan dito sa amin, masama tingin sa’min, hindi naman totoo,” hinanakit ni Amatorio.
Kaugnay nito, nangako naman ang NBI na tututukan nila ang kaso ni Jang at magsasagawa na ng kanilang imbestigasyon.
“With the filing of a complaint request for investigation of Jang Lucero, we will now officially initiate an investigation and we have directed the chief of Laguna NBI office,” ani Atty. Antonio Pagatpat, NBI deputy director for regional operation services.--Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News