May "persons of interest" na ang pulisya kaugnay sa brutal na pagpatay sa isang babae na nagsa-sideline bilang "transporter" o naghahatid ng mga pasahero gamit ang kaniyang kotse sa Calamba, Laguna.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso ng 34-anyos na si Jang Lucero, na natagpuang tadtad ng saksak sa katawan sa loob ng kaniyang sasakyan.
Wala pa umanong malinaw na suspek ang mga awtoridad sa naturang krimen pero mayroon na silang itinuturing "persons of interest."
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing pumasada si Lucero nitong Linggo ng gabi para maghatid ng tatlong pasahero mula Calamba papuntang Gil Puyat, Makati.
Naging sideline daw ni Lucero ang paghahatid ng mga pasahero matapos mawalan ng trabaho dahil sa lockdown.
“We have some persons of interest, but right now we cannot name names as to the persons of interest because we want to be sure and we want an airtight case against the suspects,” ayon kay Calamba police chief Police Lieutenant Colonel Gene Licud.
“It appears na maaaring ito ay kakilala niya,” dagdag pa nito.
May mga anggulo na rin na sinisilip ang mga awtoridad sa motibo ng krimen pero posibleng hindi raw pagnanakaw ang pakay ng salarin dahil naiwan sa crime scene ang cellphone at bag ng biktima.
“We do not have the exact numbers as to… kung ilan talaga ‘yung kaniyang saksak, pero definitely marami ito. Sa tingin namin ay hindi talaga bubuhayin ‘yung victim. Kasi may tama siya dito sa may bandang dibdib, tapat ng kaniyang puso. That is the initial,” ani Licud.
Iniimbestigahan din ang rutang dinaanan ni Lucero noong Linggo ng gabi pati na ang lahat ng nakausap niya noong araw na iyon.
“Kasama ‘yan sa ating mga assumptions, na ito ay pinagplanuhan dahil sa pagsasagawa naman ng isang krimen ay aside from the crime of passion, pinagpaplanuhan. Hindi lang ito ‘yung biglang outburst,” ayon kay Licud.
Ayon naman sa kasintahan ng biktima na si Meyah Amotorio, pinansin daw niya kay Lucero kung bakit tatlo ang pasahero nito.
"Bakit tatlo ganitong oras. Medyo nagtatalo kami. Sabi niya, nagmamadali na sila eh, nagagalit na sila. Nagmamadali na,'" kuwento ni Amotorio.
Wala naman daw maalala si Amotorio na naging kaaway ng biktima para pagplanuhan ang pagpatay sa kaniya.
"Sabi ng iba parang planado kasi kung iisipin ko paano magiging planado, wala naman akong naalala na may nakaaway siya before at ngayon," saad niya.
Hustisya naman ang hiling ng ina ni Lucero para sa kaniyang anak, na hanggang ngayon at hindi raw niya magawang tingnan sa ataul dahil hindi niya matanggap ang sinapit nito.--Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News