TAGKAWAYAN, Quezon - Isa ang patay habang tatlo naman ang sugatan sa dalawang magkahiwalay na aksidente sa Quezon Province nitong Lunes ng umaga.
Sa Quirino Highway na sakop ng Barangay Rizal, Tagkawayan, Quezon ay isang van mula Cavite na mag-dedeliver sana ng pagkain sa Bicol ang tumagilid at humarang sa gitna ng highway matapos sumabog ang isang gulong nito sa hulihan.
Dahil sa tulin ng takbo nito ay nawalan ng kontrol sa manibela ang driver at nagpagewang-gewang ang van bago tumagilid.
Masuwerteng wala itong kasalubong na sasakyan at hindi ito dumiretso sa kalapit na bangin.
Isinugod sa pagamutan ang tatlo sa anim na sakay ng van kabilang ang driver.
Sugatan ang isang babae at ang asawa nito na ahente ng ide-deliver na pagkain.
Mabilis ang ginawang pag-rescue ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Tagkawayan upang maisugod sila sa Tagkawayan District Hospital.
Sa ngayon ay passable na ang Quirino Highway.
Nakatakda namang ilipat sa mas malaking pagamutan sa Lucena City ang babaeng sugatan na nagtamo ng grabeng pinsala sa katawan.
Lucena
Samantala, dead on the spot naman ang isang rider sa Barangay Gulang-Gulang, Lucena City matapos masalpok ng truck ang minamaneho nitong motorsiklo.
Patungo na raw sana sa kanyang sa trabaho ang rider nang mangyari ang aksidente.
Wasak ang helmet ng rider at nagtama ng mga bone fractures. Wala pang pagkakakilanlan ang biktima.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Lucena City Police sa pinangyarihan ng aksidente. —KG, GMA News