Ilang negosyo sa Cabanatuan City sa Nueva Ecija ang pinayagan nang magbukas matapos maisailalim sa modified enhanced community quarantine ang probinsiya nitong Sabado.
Ayon kay Edmund Kuan, isang negosyante, malaki na raw ang lugi nila sa dalawang buwang pagsasara kaya kailangan na nilang bumawi.
“Malaking hirap sa aming entrepreneurs… kasi malaki ang aabonohan eh. Maga-abono ka sa mga rental, sa mga tao, makikiusap ka sa mga company na i-pending ang mga tseke. Mahirap eh, siyempre na-issue mo na kaya lang popondohan mo eh kaya makikiusap ka,” ani kuan sa ulat ni Darlene Cay sa Unang balita nitong Lunes.
Mula pa noong Sabado, dumami na raw ang mga sasakyan sa kalye lalo na ang mga tricycle.
Kahit marami na ang pinayagang magbukas na negosyo, pinagbawal pa rin ng lokal na pamahalaan ang pampublikong transportasyon.
Sa kabila ng pagbabawal, may ilang tricycle driver pa rin ang nagbalik-pasada kahit wala pang pahintulot ng LGU.
Ang ilan sa mga pasahero, hindi na nasunod ang physical distancing.
Sabi ng ilang driver, hindi raw sila namamasada at ginagamit lang na personal service ang kanilang mga tricycle.
Ngunit may iilan pa ring umamin na paminsan-minsan ay namamasada dahil wala na raw makain ang kanilang mga pamilya.
Ayon naman kay Cabanatuan City information officer Francis Balaria, ngayong linggo raw nakatakdang pagdesisyunan ang alternatibong kabuhayan para sa mga tricycle driver at operator. --Ma. Angelica Garcia/KBK, GMA News