BALER, Aurora - Binayo ng malakas na buhos ng ulan at hampas ng hangin ang Baler, Aurora nitong Biyernes ng gabi.
Bandang alas siyete ng gabi nang magparamdam ng bagsik ang bagyo.
Sa kasagsagan niyan nawalan ng kuryente ang ilang bahagi ng Baler.
WATCH: As of 7:20pm, malakas na ang buhos ng ulan at hampas ng hangin sa Baler, Aurora @gmanews #AmboPH pic.twitter.com/dffaU3hLWe
— Jonathan Andal (@JonathanAndal_) May 15, 2020
Pero ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), batay sa natatanggap nilang reports nitong Sabado, hindi gaanong naging mapaninsala ang bagyo sa Aurora.
May mga umapaw na ilog pero wala pa naman daw sa ngayon na naiuulat na bahay na nilubog ng baha.
May isang tulay sa Barangay Diteki sa bayan ng San Luis ang na-wash out ng tubig ulan.
Sa ngayon nitong Sabado ng umaga, sa Baler, makulimlim ng bahagya ang kalangitan.
Hindi naman malakas 'yung ihip ng hangin.
May ilang maliliit na karatula na natumba pero 'yung mga bubong hindi naman natuklap at 'yung mga puno ay hindi naman nabuwal.
Humupa na rin nitong Sabado yung baha sa kalsada.
Ayon sa PDRRMO as of 5 a.m., may inilikas na 880 families o 3,331 individuals sa Baler, Maria Aurora, Dipaculao, Dinalungan at Dingalan.
Sa Dinalungan, nagpatupad ng forced evacuation nitong Biyernes.
Sa Dingalan naman, 'yung kanilang evacuation center ay nauna nang ginamit na quarantine facility kaya ang mga evacuee ay dinala muna sa covered court at mga eskuwelahan.
May mga inilikas din na naka-quarantine sa Barangay Villa sa Maria Aurora dahil 'yung kanilang quarantine facility ay nasa tabi ng bundok at may banta ng landslide.
Samantala, pasado alas sais ng umaga ay bumalik na ang suplay ng kuryente sa ilang bahagi ng Baler.
Nitong 5 a.m. ng Sabado, nasa ilalim pa ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 ang Dipaculao, Maria Aurora, Baler at San Luis, ayon sa PAGASA.
Ang ibang mga lugar naman sa Aurora ay nasa TCWS No. 1. —KG, GMA News