Matapos ang matinding init ng araw, malakas na ulan naman ang tiniis ng maraming residente ng Rodriguez, Rizal para makakuha ng pinansiyal na ayuda. Kabilang sa kanila, ang isang ina na may cancer ang anak.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, nanawagan si Josephine Ugbok sa mga awtoridad na tulungan sana siyang maipagamot ang 16-anyos na anak na may stage-3 cancer.
"'Yung anak ko, stage 3 na 'yung cancer niya, hindi ko madala sa ospital. Sana po may tumulong naman po sa anak ko na madala sa ospital. At sana 'yung kaunting ayuda na makuha ko dito, malaking tulong na po sa anak ko para pambili ng gamot," sabi ni Ugbok.
Isa lamang si Ugbok sa napakaraming patuloy na dumadagsa sa munisipyo pero bigong makahanap umano ng sagot kung may maaasahan ba silang tulong sa lokal na pamahalaan.
"Saan po namin ito idudulog? Basang-basa na po ito. Listahan po ito lahat ng Barangay Burgos na hindi nakakuha. Saan po namin ito ibibigay, ayaw naman po nila tanggapin," ayon sa 64-anyos na si Socorro Cruz.
Si Cecillia Ballos, kay Pangulong Rodrigo Duterte na nanawagan ng tulong dahil wala na umano silang makain.
Sinubukan ng GMA News na makuha ang panig ni Mayor Dennis Hernandez tungkol sa hinaing ng mga tao pero wala raw ito sa kaniyang tanggapan.
Ang mga opisyal naman ng municipal social welfare and development, abala naman daw sa pamamahagi ng tulong sa ibang lugar.—FRJ, GMA News