Isang babae ang nakatakdang kasuhan matapos magpumilit pumasok sa isang checkpoint sa Caloocan at makipagtalo pa sa mga pulis na sumita sa kaniya, ayon sa ulat ng 24 Oras nitong Huwebes.

Ito ay sa kabila ng pinaiiral na 48 oras na total lockdown sa Barangay 156 na nakatakda sanang magtapos nitong Biyernes, May 15 pero pinalawig hanggang May 20.

Paliwanag ng babae, may iaabot lang siyang bag malapit sa area pero binastos daw siya ng mga nagbabantay sa checkpoint.

Dahil sa kaniyang ginawa, patung-patong na kaso raw ang kakaharapin ng babae.

Hinihintay pa ng GMA News ang pahayag ng mga inaakusahan ng babae.

Ayon naman sa barangay officials, kinakailangang i-extend ang total lockdown sa lugar matapos magpositibo sa COVID-19 ang 25 residente doon. --KBK, GMA News