Inireklamo ang isang kagawad sa Paombong, Bulacan matapos niyang bawiin umano ang kalahati ng ipinamigay na social amelioration subsidy sa ilang residente.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, makikita sa video ang pagbawi ng kagawad ng Barangay San Vicente sa kalahati ng P6,000 ayuda sa mga benepisyaryo.
Dahil dito, nagtalo ang residente at ang kagawad.
Ito rin ang inireklamo ng isa pang residente.
Pinuntahan ng GMA News ang bahay ng kagawad pero wala umano siya, at tumanggi rin magbigay ng pahayag ang kapitan ng barangay.
Inireklamo rin noong nakaraan ang isang kagawad sa Hagonoy, Bulacan na binawi ang kalahati ng cash aid sa mga beneficiary.
Dinakip ang kagawad kalaunan, na isa sa mga dahilan kung bakit nag-alok si Pangulong Rodrigo Duterte ng pabuya sa mga magsusumbong sa mga opisyal na nangungurakot sa ayuda. --Jamil Santos/FRJ, GMA News