CALAUAG, Quezon - Masayang sinalubong ng kanyang mga kasamahan sa trabaho nitong Sabado ang isang health worker sa Quezon nang ito ay makalabas ng pagamutan matapos gumaling sa COVID-19.
Ang survivor ay nahawa sa isang pasyenteng nasawi na kauna-unahang kaso ng COVID-19 sa bayan ng Calauag.
Walang mapagsidlan ng kasiyahan ang mga katrabaho ng survivor sa isang pribadong pagamutan sa Calauag.
Pinaghandaan nila ang pagdating nito. Nag-alay din sila ng mga sayaw at nagkainan.
Dalangin ng survivor na makaligtas ang lahat ng iba pang naka-confine ngayon sa lalawigan ng Quezon dahil sa COVID-19.
Ang survivor mula sa Calauag ay isa lamang sa mga health workers ng bansa na nahawa sa kanilang mga pasyente.
Agad daw siyang babalik sa trabaho.
Ayon sa Quezon Public Information Office, umabot sa 72 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lalawigan nitong Linggo ng 8 a.m.
Ang death toll ay pito habang ang mga naka-recover ay 33 na.
—KG, GMA News