DEL GALLEGO, Camarines Sur - Bangkay na at naaagnas na ang katawan ng isang siyam na taong gulang na batang babae nang matagpuan ito sa Barangay Mansalaya, Del Gallego, Camarines Sur nitong Sabado ng hapon. 

Ang biktima ay hinihinalang ginahasa muna bago pinatay at itinapon sa madamong lugar.

Ayon sa ina ng biktima, nitong Miyerkoles, Mayo 6 pa nawawala ang anak. Hindi naman daw ito napagalitan.

Agad hinanap ng pamilya ang bata subalit nabigo sila kaya't inireport nila ito sa Del Gallego Municipal Police Station nitong Huwebes.

Tumulong na rin ang mga opisyal ng barangay at mga kapitbahay na hanapin ang biktima. Umabot pa sila sa lalawigan ng Quezon ngunit hindi pa rin nila nakita ang bata.

 

Nakita sa isang masukal na bahagi ng Barangay Mansalaya, Del Gallego, Camarines Sur nitong Sabado, Mayo 9, 2020, ang bangkay ng isang siyam na taong gulang na babae.  Peewee Bacuno

 

Nitong Sabado, pasado alas-dos ng hapon, ay nakita ng isang residente ang katawan ng bata sa masukal na bahagi ng barangay.

Nangunguha raw ng panggatong na kahoy ang isang lalaki nang nakaamoy ito ng masangsang na amoy. Dito na niya nakita ang bangkay na itinago pa sa maliit na butas sa lupa.

Agad itong ini-report sa barangay at sa pulisya.

Kinilala ng ina ang bangkay bilang anak niyang nawawala.

Ayon pa sa ina ng biktima, wala siyang ibang naiisip o nalalaman na puwedeng gumawa nito sa kanyang anak maliban sa kanyang live-in partner at amain ng bata.

Noong Mayo 6 daw kasi ay nag-away daw sila nito at nagbanta umano ang lalaki na may masamang gagawin ito na pagsisihan ng ina ng biktima. Hindi raw niya akalain na ang pagpatay sa bata at posibleng panggagahasa ang gagawin nito. 

Ayon sa Deputy Chief of Police ng Del Gallego, Camarines Sur na si Lieutenant Jessie Abel Portugal Jr., hindi pa matukoy ang mismong dahilan ng pagkamatay ng bata.

Isasailalim nitong Linggo sa autopsy ang bangkay.

Samantala, nasa kustodiya na ng Del Gallego Municipal Police Station ang suspek na live-in partner ng ina. Hindi muna ito nagbigay ng pahayag. 

Ayon sa ina ng biktima, itinatanggi raw nito ang krimen.

Hustisya ang panawagan ng mga kaanak ng bata. —KG, GMA News