BORACAY ISLAND - Tinatayang nasa mahigit 300 pa diumano na mga South Korean tourist ang nananatiling stranded sa isla ng Boracay sa Aklan.
Ayon kay Soojin Kim, coordinator ng Boracay South Korean Community, hindi pa kasama sa bilang ang mga batang Korean na nasa isla.
Dagdag niya, nais na raw ng mga stranded na mga dayuhan na umuwi sa South Korea dahil sa patuloy na banta ng coronavirus disease 2019 sa bansa.
Noong May 1, umabot sa 179 na South Korean tourists sa Boracay ang inilipad sa pamamagitan ng repatriation pabalik sa kanilang bansa mula sa Caticlan Airport.
Sinabi ni Kim na hindi pa malinaw sa ngayon kung kailan ang susunod na repatriation flight patungong South Korea. -MDM, GMA News