Apat na babae ang naaktuhang naglalaro ng pusoy sa isang bahay sa Calamba, Laguna. Ang dalawa sa kanila, napag-alamang tumanggap ng ayudang pinansiyal mula sa social amelioration program o SAP.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing naaresto ang mga nagsusugal sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ang isa sa mga nadakip, sinabing "friendly game" lang ang kanilang ginagawa at hindi raw galing sa SAP ang kanilang ipinangsugal.
"Alam naman po naming bawal 'yon kaya lang po eh talagang ganun nagkamali na po kami. Kumbaga sa amin friendly game lang po," ayon sa isang babae.
Dismayado at hindi naniniwala si Police Major Leandro Gutierrez, hepe ng CIDG-Laguna, sa paliwanag ng babae.
"Maliit na nga yung naibigay na pera gagamitin pa nila sa sugal, inom, wala nang matitira. Tapos magrereklamo na naman sila," anang opisyal.
Kapag napatunayang ipinangsugal nila ang perang natanggap mula sa SAP, sinabi ng City Social Welfare Department na posibleng maalis ang mga ito sa listahan ng mga tumatanggap ng pinansiyal na tulong.
Sa hiwalay na operasyon naman sa Sta. Rosa, Laguna, isa namang negosyanteng nagbebenta umano ng overpriced na alcohol ang naaresto.
Sa internet umano idinadaan ng suspek ang pagbebenta ng alcohol. Naglalagay din daw ng pekeng sticker ng FDA at kunwaring pang-medical supplies ang mga dala nito sa sasakyan para hindi masita sa checkpoint.
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek.--FRJ, GMA News