Dahil mas mahigpit na ang pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Malolos, Bulacan, binigyan na ng schedule ang mga residente kung kailan sila maaaring mamalengke.

Ang schedule ng pamamalengke ay batay sa cluster na kinabibilangan ng isang barangay, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

Sa executive order na pinirmahan ni Malolos Mayor Gilbert Gatchalian, ang 51 barangay sa lungsod ay inilagay sa tatlong cluster. 

Ang mga residente na nasa mga barangay na nasa Cluster 1 ay makakapamalengke tuwing Lunes at Huwebes. Ang mga nasa Cluster 2, tuwing Martes at Biyernes. Ang mga nasa Cluster 3 naman ay tuwing Miyerkoles at Sabado.

 

 

 

Samakatuwid, dalawang beses sa isang linggo lamang makakapamalengke ang mga residente.

Ang araw ng Linggo naman ay total lockdown para ma-disinfect ang mga palengke.

Tanging mga ospital, health clinics, lying-in clinics at botika lamang ang maaaring magbukas kapag Linggo.

Ang mga lalabag ay huhulihin ng Malolos City Police.

Bago pa sumikat ang araw nitong Lunes, mahaba na ang pila ng mga mamamalengke sa labas ng Malolos City Public Market sa unang araw ng implementasyon ng bagong schedule.

Maingat naman silang sumunod sa social distancing.

 

 

 

Bawat quarantine pass ay inii-scan ng barangay officials para lumabas ang bar code. Dito raw nakasulat kung taga-saang barangay ang residente at ang araw na siya ay maaaring mamalengke.

May isang lalaking umuwi na lamang ng malamang lumang market pass pa ang dala niya at wala itong bar code.

Ang iba naman ay matiyagang pumila at sinabing dadamihan na lang nila ang bibilhin para umabot sa susunod nilang araw ng pamamalengke.

Ayon sa datos ng Bulacan Provincial Health Office nitong Linggo ng 4 p.m., may 121 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa probinsiya.

 

Ang ECQ sa Central Luzon kabilang ang Bulacan ay hanggang Mayo 15—KG, GMA News