Sa ospital ang bagsak ng isang 69-anyos na lalaki matapos atakihin sa puso nang hindi makakuha ng ayudang pinansiyal sa Cataingan, Masbate kahit pa maaga siyang pumila sa barangay.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing maagang pumila sa barangay hall si Avelino Caliwan sa pag-asang makatatanggap siya ng pinansiyal na ayuda sa pamamagitan ng social amelioration program.
"Dapat kasi hindi niyo na pinapunta si papa kung wala sa payroll. Hindi niyo na pinapunta doon," saad ni Lorie Caliwan, anak ng biktima.
Masama raw ang loob na umuwi si Mang Avelino nang walang natanggap na ayuda. Nakadagdag pa raw sa hinanakit ng nakatatanda nang malaman na may mga kalugar silang nakatanggap ng SAP gayung mas nakaririwasa sa kanila.
Paliwanag naman ng Municipal Social Welfare and Development (MSWD), nasa payroll naman si Avelino pero sinusuri pa ang mga nagsumite ng form na walang dependent na inilagay alinsunod na itinatakda ng pamahalaan.
"Masakit sa kanya, eh. Dapat pantay-pantay daw, hindi, eh," sabi ni Caliwan.
Wala pang pahayag ang MSWD sa naturang alegasyon.
Patuloy na nakaratay at nagpapagaling sa ospital si Avelino.
Sinabi naman ni Cataingan Mayor Felipe Cabatana, na handa nilang sagutin ang gastusin sa ospital at gamot ni Avelino.--FRJ, GMA News