Duguan ang labi ng isang babae nang hatawin siya ng baril ng isang barangay captain dahil sa sigalot bunga ng gusot sa listahan ng mga benepisaryo ng Social Amelioration Program (SAP) sa Northern Samar.

Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa isang video ang away nina barangay captain Lito Orio, at isang Michael Macallan sa Barangay Binay sa Palapag.

Sinubukan awatin ng mga residente ang kanilang away, na nagsimula umano dahil sa nabanggit na listahan. Hanggang sa sinugod ni Orio ang bahay ni Macallan na may dalang baril, samantalang may itak naman ang kaniyang kasamahan.

Gamit naman ang cellphone, kumukuha ng video ang live in partner ni Macallan na si Hazel Joy Carian.

Sa isa pang video, makikita ang batang anak ni Carian na tila inaawat pa si kapatian sa pagsugod.

Nang paalis na si Orio at patuloy pa rin si Carian sa pagkuha ng footage, nilapitan na ng kapitan ang ginang at pinalo ng baril, na nagresulta sa pagdugo ng kaniyang labi.

Tumakas ang kapitan matapos ang insidente at pinaghahanap na siya ng pulisya.

Patuloy ang imbestigasyon ng Palapag Municipal Police sa insidente.--Jamil Santos/FRJ, GMA News