Nadagdagan pa ang mga tapat na benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) na nagbalik ng natanggap nilang perang ayuda dahil nadoble. Ang isa sa kanila, ginantimpalaan ng isang sakong bigas.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras News Alert" nitong Miyerkoles, sinabing ibinalik ni Alben Generalo, mula sa bayan ng Senator Ninoy Aquino sa Sultan Kudarat, ang natanggap niyang P5,000 na SAP assistance.
Ayon kay Mayor Randy Ecija Jr., isinauli ni Generalo ang pera dahil nakatanggap na raw ng naturang ayuda ng gobyerno ang kaniyang asawa.
Dahil naman sa kaniyang katapatan, bibigyan ni Ecija ng isang sakong bigas si Generalo.
Sa Zamboanga City naman, isang babae ang nagsauli rin ng natanggap na pinansiyal na tulong dahil hindi raw siya kuwalipikado batay sa itinatakda ng barangay.
Mas makabubuti umanong ipagkaloob na lang sa iba na higit na nangangailangan ang pera.
Una rito, iniulat na ibinalik din ni Norberto Bondoy, mula sa Gumaca, Quezon ang natanggap niyang pera mula sa SAP dahil nakatanggap na siya ng ayuda mula sa programang 4Ps.
Sa Magpet, Cotabato, hindi rin nagpasilaw sa pera si Whendy Pido na ibinalik ang form na natanggap para sana sa P5,000 na SAP assistance dahil nakatanggap na raw ang kanyang mister.
Batid daw kasi ni Pido na marami pang iba ang nangangailangan ng tulong.--Joviland Rita/FRJ, GMA News