Laking suwerte ng isang lalaki sa Gumaca, Quezon, na bukod sa perang ayudang nakuha sa programang 4Ps ay nakatanggap pa siya ng pera mula sa Social Amelioration Program (SAP). Pero ang lalaki, naging tapat at isinauli ang sobrang ayuda na nakuha sa gobyerno.

Ang 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay dati nang programa ng pamahalaan na pang-ayudang pinansiyal para sa mga mahihirap na Pilipino.

Samantalang ipinatupad naman ang  SAP alinsunod sa ipinasang Bayanihan to Heal as One law para matulungan ang mga mahihirap sa panahong umiiral ang enhanced community quarantine para huwag kumalat ang COVID-19.

 

(PHOTO Courtesy: Nancy Anacion)

Gayunman, marami ang nagrereklamo na wala sila sa listahan ng SAP na ipinatutupad ng Department of Social Welfare and Development, ang ahensiyang nagpapatupad din ng 4Ps.

Pero sa halip na samantalahin ang dalawang biyayang natanggap, pinili ni Norberto Bondoy, ibinalik sa Social Welfare and Development Office ng munisipyo ng Gumaca ang natanggap niyang P6,500 na cash assistance mula sa SAP.

Paliwanag niya, nakatanggap na siya ng ayuda mula sa pagiging miyembro ng 4Ps.

Ayon sa Gumaca-LGU, pangalawa na si Norberto Bondoy sa mga nagsauli ng sobrang pinansiyal na ayuda na natanggap.

Ipinaliwanag daw ng mga nagsauli na nais nila na mas marami ang matulungan at makinabang sa ayuda ng pamahalaan sa panahong nahaharap sa krisis ang bansa.

Nagpasalamat ang lokal na pamahalaan sa kanilang katapatan at sana ay maging magandang halimbawa sa iba.--Peewee Bacuño/FRJ, GMA News