Laking tuwa ng mga magsasaka sa Mountain Province na problemado kung papaano maibebenta ang mga produkto nilang gulay matapos mamakyaw doon ng kanilang paninda ang lokal na pamahalaan ng Bocaue, Bulacan.
Mahigit 13,200 kilo umano ng iba't ibang gulay ang binili ng Bocaue para isinama sa kanilang relief goods para sa mga nakatatanda.
Sa ulat ni Nico Waje ng "Stand For Truth," makikita sa isang video na itinatapon na lamang ng ilang magsasaka sa Mt. Province ang kanilang mga produktong gulay dahil hindi na ito mailuwas papunta sa kanilang mga buyer dahil sa umiiral na community quarantine.
Dahil hindi maibenta at naging labis-labis na ang naipong produkto, nabubulok na ang mga ito kaya napipilitan na lang ang mga magsasaka na itapon.
Tone-toneladang gulay din ang nakatengga dahil hindi na ma-accomodate ng kanilang trading post.
Nang mabalitaan ang panawagan ng mga magsasaka sa mga lokal na bilhin sana ang kanilang gulay at gawing relief goods, kaagad na nagpadala ng mga kawani si Bocaue Mayor Joni Villanueva sa Bauko, Mountain Province para bilhin ang mga gulay ng mga magsasaka.
"Nabalitaan po kasi natin na maraming mga gulay sa Mountain Province na nasasayang lamang at natatapon sapagkat wala pong nakakarating na supplies dito sa atin sa Central Luzon, at napapabayaan po 'yung mga farmer," sabi ni Mayor Villanueva .
"Nakakapanghinayang po kaya minabuti po ng ating lokal na pamahalaan na isama po sa relief packs natin or doon sa food packs natin na ipinamimigay ang mga gulay na ito," dagdag pa ng alkalde.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Bocaue, ipamimigay nila ang mga ito sa nasa 6,000 senior citizen na nangangailangan ng sustansya dahil ang mga may edad ang madalas at peligrosong tamaan ng COVID-19.
"Masayang-masaya po kami, kami po ang napili ninyo. Ang sarap po sa pakiramdam na nabigyan po ng makatarungang presyo ang mga gulay po namin. Maraming-maraming salamat po," pahayag ng magsasakang si Avelina Bautista.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News