Arestado sa Pampanga ang 15 sangkot umano sa online sabungan kung saan milyun-milyong piso raw ang kita mula sa mga taya sa Pilipinas at maging sa ibang bansa, ayon sa ulat ni John Consulta sa Balitanghali nitong Martes.
Walang kaalam-alam ang mga nagsasabong sa loob ng nasabing sabungan sa Mabalacat na ang ilan sa mga nanonood ay ahente ng National Bureau of Investigation-Special Action Unit (NBI-SAU).
Kaya nang sumalakay na ang mga operatiba laban sa mga nago-operate ng online sabungan, wala silang kawala.
Arestado ang 15 suspek na umano’y sangkot sa pagvi-video at pag-livestream ng mga sabong sa iba't ibang bahagi ng bansa para makakuha ng taya ng walang kaukulang permit mula sa Pagcor.
Natuklasan din ng NBI na meron pang ibang modus ang grupo na kumikita ng milyun-milyong piso kada araw mula sa mga taya sa Pilipinas at OFWs sa ibang bansa .
Todo-tanggi naman ang mga suspek sa akusasyon.
Kinasuhan na ng patong-patong na reklamo ang mga suspek, kabilang ang paglabag sa Anti-Gambling Act at e-Commerce Law. —KBK, GMA News