Ginahasa umano ang 13-anyos na dalagita ng kanyang 19-anyos na nobyo, at apat nitong kabarkada na kapwa menor de edad sa Iloilo, ayon sa ulat ni Athena Imperial sa 24 Oras ng GMA News nitong Sabado.
Kinunan pa umano ng video ang panggagahasa sa dalagitang itinago sa pangalang Ann, at kumalat na ang video sa social media.
Ayon sa hepe ng Barotac Nuevo Municipal Police Station na si Captain Ken Albert Lepsia, sinasabi raw ni Ann na pinuwersa siya ng mga sinasabing nanggahasa sa kanya.
"Base sa interview sa kanya, pinuwersa siya,” sabi ni Lepsia.
Kwento ng ama ng biktima, naghihintay si Ann ng tricycle sa terminal nang nakatanggap siya ng mensahe mula sa isa sa mga suspek. Pinapupunta raw siya sa bahay ng nobyo, kung saan nangyari ang panggagahasa.
Naroon daw ang ama ng main suspect pero hindi raw niya namalayan ang nangyari.
"Nung nakita ko siya, tinanong ko, "Wala kang klase?" Sabi niya wala. 'Yun lang,” pahayag ng ama ng suspek.
Ayon sa ama ng biktima, inamin raw ng mga suspek na hindi ito ang unang beses na hinalay nila si Ann.
"Inamin ng lahat. Sabi nila "Ginahasa namin ang anak mo. Ilang beses naming ginahasa,” sabi niya. “Sumugod 'yung batang gumalaw sa kanya. Tinatakot siya na sasaktan siya kapag nagsumbong."
Iginiit naman ng mga suspek na hindi nila pinuwersa ang biktima. "Sumama siya. Pagtawag namin, pumunta naman siya agad,” pahayag ng nobyo ng biktima.
Inamin ng mga suspek na kinunan nila ng video ang biktima, pero hindi raw sila ang nag-upload nito.
Hawak ng mga pulis ang nobyo ng biktima, habang nasa pangangalaga naman ng Municipal Social Welfare And Development Office ang apat na menor de edad.
Ayon sa mga pulis, isasailalim sa counseling ang biktima.
Desidido daw ang pamilya ni Ann na sampahan ng reklamo ang limang suspek. —Joviland Rita/LBG, GMA News