Ililipat na sa mas malawak na lugar ang faculty room ng ilang guro sa Bacoor National High School na kinailangang mag-opisina sa palikuran at ilalim ng hagdan dahil sa kakulangan ng silid sa paaralan.
Ayon sa ulat ni Chino Gaston sa GMA "24 Oras" nitong Huwebes, ililipat na ang 200 apektadong guro sa social hall ng eskwelahan.
Nawalan ng pwesto ang mga guro matapos gawing silid-aralan ang mga dati nilang opisina para matugunan ang pangangailangan ng 7,000 estudyante.
Sa halip kasi na may pang-umaga at pang-hapong klase, ginawa na lang "single shift" ang oras ng eskwela sa naturang paaralan.
Tumanggi nang magbigay ng iba pang komento ang principal ng paaralan dahil nalutas na raw ang problema.
Sa pahayag ng Department of Education, sinabing inalok naman ng principal ang mga apektadong guro ng ibang mga alternatibong faculty room pero pinili pa rin ng ilan na gamitin ang palikuran bilang opisina.
"To address the displacement of teachers from the faculty rooms, the principal met with the teachers last May 27. Minutes of the meeting indicate that the principal offered the library, the guidance center, and the advisory classrooms to serve as temporary faculty rooms," ayon sa Deped.
Sisikapin daw ng DepEd na isama sa kanilang programa ang pagpapagawa ng hiwalay na mga gusali para sa mga guro para malutas ang ganitong klaseng alalahanin. —LDF, GMA News