Nadagdagan pa ang mga magulang na nagrereklamo laban sa isang lalaki na nagpakilalang TV director na nanghingi sa kanila ng pera sa pangakong gagawing commercial model ang kani-kanilang anak.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Eliseo Bernales, hepe ng San Pablo, Laguna Police, nasa 36 na ang nagrereklamo laban sa suspek na si Jimmy Bernal.

"Around 36 po ang complainant nung ating nagpapanggap na director. Tinitingnan pa natin 'yung anggulo ng human trafficking specifically child trafficking po para sa mga batang pinaasa nung nagpanggap na director na 'yan," ayon kay Bernales.

Nitong nakaraang Mayo 24 nang maaresto sa entrapment operation si Bernal na nanghingi raw ng pera sa mga magulang ng mga batang gustong mag-artista. Ang naturang pera ay magiging komisyon niya sa kikitain ng bata.

Ang bawat magulang, sinasabing nakapagbigay ng nasa P50,000 kay Bernal  pero walang nangyaring shooting o taping sa kanilang mga anak.

Pero paliwanag ni Bernal, para umano sa "workshop" ng bata ang hiningi niyang pera.

Matapos lumabas ang naturang balita sa pagkakaaresto kay Bernal, naglabasan pa ang mahigit 20 magulang na hiningan din umano ng pera at pinangakuan ng suspek.

Pero tulad ng mga unang nagreklamo kay Bernal, wala rin daw silang napanood na nilabasang commercial ng kanilang mga anak.

"Kami'y nababahala na baka ganoon din ang mangyari sa amin," sabi ng isang magulang.

"Ilang ano lang kami nagwo-workshop, inalok na niya kami ng P50 para sa kontrata. Investment daw 'yun para sa bata. Medyo nagduda na kami kasi hindi siya makapagbigay ng notary," ayon sa isa pang nagrereklamo.

Nanatiling nakakulong ang suspek at nasampahan na ng kasong estafa.-- FRJ, GMA News