SARIAYA, Quezon - Isang patay na endangered green sea turtle ang napadpad sa baybayin ng Barangay San Roque Guis-Guis sa Sariaya, Quezon nitong Sabado ng umaga.
Kaawa-awa ang sinapit ng pawikan na ito na may bigat na 50 kilos dahil may nakitang mga plastic na basura sa lalamunan.
May mga palatandaan din na tinangka itong hulihin dahil may tama ito ng matalim na bagay.
Matapos masuri ay agad na inilibing ang pawikan.
Nababahala ang Tanggol Kalikasan sa pagdami ng insidente ng mga hayop sa dagat na namamatay dahil sa mga basura na walang pakundangang itinatapon ng mga tao.
Sana raw ay matuto na ang bawat isa.
Samantala, mahigit 60 na baby olive ridley sea turtles ang pinakawalan sa baybayin ng Barangay San Roque Guis-Guis sa Sariaya nitong Biyernes ng Office of the Municipal Agriculture at Bantay Dagat ng Sariaya, Quezon kasama ang Tanggol Kalikasan at mga mangingisda sa lugar.
—KG, GMA News