Patay ang tatlong magkakapatid na senior citizen sa Cebu matapos pagtatagain ng kapitbahay na may matagal na umanong kinikimkim na galit sa mga biktima.


Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, kinilala ang mga biktima sina Eufronio, 69-anyos, Conrado, 65-anyos at si Carmelito Garces, 63-anyos ng Carcar City.

Kuwento ng mga nakasaksi, naglalaro ng dama si Carmelito nang sugurin siya ng suspek na si Emilio Manayaga Jr., alyas Butchok, at pinagtataga.

Sunod namang inatake ni Manayaga si Conrado na nasa tabi ni Carmelito.

Matapos mapatay ang dalawa, pinuntahan naman ng suspek si Eufronio sa barber shop at pinagtataga rin.

"Hanggang ngayon, masama ang damdamin ko. Hindi ko talaga natanggap ang sakit ng nangyari. Buhay pa siya nu'ng umalis ako tapos ganyan na pala ang nangyari. Ang hirap," sabi ng asawa ni Efronio na si Editha.

"'Yun 'yung nakita ko, nakahandusay na kaya umuwi ako sa amin para habulin din sana pero hindi ko alam 'yung panganay andu'n din pala. Nakabulagta na rin," sabi naman ng kapatid ng mga biktima na si Roselo.

Naaresto naman ng mga awtoridad ang suspek at nakuha ang patalim na ginamit niya sa krimen.

Pag-amin ng suspek, may kinikimkim siyang galit sa mga biktima dahil inuubos daw ng kambing nito ang kaniyang mga pananim at pinaparatangan din daw siyang tulak ng droga sa kanilang lugar.

"Ilang taon na akong nagpapasensya, nagtitimpi dahil sa mga kambing nila na dapat tinatali. Lagi nilang sinasabi na ako daw nagtutulak. Siya nagtanong na nagtitinda ba ako tapos sinabi ko lang naman 'bilhan mo muna ako,” sabi ni Manayaga.

Napag-alaman na dati na ring nasangkot sa pananaga at pagpatay si Manayaga.

Wala namang pahayag ang pulisya kung sangkot nga si Manayaga sa droga.-- Joviland Rita/FRJ, GMA News