Pinasok ng mga hinihinalang miyembro ng Termite gang ang banko ng Asia United Bank sa Barangay Gulang-Gulang, Lucena City sa Quezon noong araw ng Pasko.

Hindi pa matukoy nga mga awtoridad ang halaga ng cash na nakuha habang nagpapatuloy ang malalimang imbestigasyon sa insidente.

Photo courtesy by Lucena MPS
Photos courtesy by Lucena MPS

Ayon sa PNP Quezon, 8:45 ng umaga noong Martes ng ipaalam ito sa kanila ng mga tauhan ng Asia United Bank-Lucena Branch.

Pumasok umano ang mga kawatan sa bangko sa pamamagitan ng paghuhukay at paggawa ng lagusan sa ilalim ng lupa patungo sa loob ng bangko malapit mismo sa vault.

Sinira ang sementadong sahig kung saan naroon ang vault. Posible raw na ginawa ang pagpasok sa banko noong December 24 ng hatinggabi hanggang December 25 ng madaling-araw.

Agad na nagtungo ang mga tauhan ng SOCO sa lugar upang magsagawa ng imbestigasyon.

Nakuha sa lugar ang dalawang hydraulic jacks, grinder, flat screw, at iba pang mga gamit.

Nangyari ang nakawan sa kabila ng paulit-ulit na paala-ala ng mga pulis sa mga establisyimento sa Lucena City na maging maingat at dagdagan ang seguridad upang maiwasan ang ganitong panguyayari. —LBG, GMA News