Isang 17-anyos na babae na may problema umano sa pag-iisip ang pinasok sa bahay at hinalay sa Diplahan, Zamboanga Sibugay. Ang krimen, naaktuhan umano ng kapatid ng biktima.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabing agad namang nadakip ang 27-anyos na suspek na si Joselito Ganaway Muyag.

Ayon sa pulisya, pinasok ni Muyag sa bahay ng biktima at ginahasa ang dalagita sa loob ng kuwarto.

Naaktuhan umano ng kapatid ng biktima ang ginagawang kahalayan ng suspek kaya kaagad itong nagsumbong sa ina.

Sa resulta ng pagsusuri, positibong nagalaw ang biktima.

Nakakulong na ngayon ang suspek at nahaharap sa reklamong panghahalay.-- FRJ, GMA News