Walang habas na pinagsasaksak ng durugistang tiyuhin umano ang isang 6-anyos na bata sa Barangay Singcang Airport, Bacolod City.

Sa ulat ng "Balitanghali Weekend" nitong Linggo, natutulog noong madaling araw sa bahay ang biktimang si Nonoy Antonio nang bigla na lang paulit-ulit na undayan ng saksak ng suspek na si Arnel Antonio.

Nabulabog ang mga natutulog na kapitbahay dahil sa sigaw ng bata pero duguan na raw ito at wala nang buhay nang abutan nila sa bahay.

Hindi bababa sa 20 saksak ang tinamo ng biktima.

Sinubukan pang tumakas at magtago ng suspek pero nahuli rin siya kalaunan ng mga awtoridad.

Pinagsisisihan daw niya ang krimeng nagawa.

Isinalaysay ng suspek na hindi siya makatulog matapos gumamit ng iligal na droga kaya't napagbuntunan daw niya ng galit ang natutulog na pamangkin.

Desidido ang pamilya ng biktima na magsampa ng kaso laban sa kanyang tiyuhin.

Naiwan daw sa pangangalaga ng mga kamag-anak ang bata matapos maghiwalay ang kaniyang mga magulang na parehong nagtatrabaho sa ibang lugar. —Dona Magsino/LBG, GMA News