Nagtamo ng mga sugat ang isang 64-anyos na lalaki matapos siyang pagsasaksakin ng isa pang lalaki na nagselos umano dahil kainuman niya ang live-in partner nito sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood ang kuha sa Lualhati Street pasado 3 a.m. nitong Miyerkoles kung saan isang lalaking nakaitim ang naglalakad bago kumanan sa Masikap Street.

Pagkaraan ng tatlong minuto, patakbong bumalik sa Lualhati Street ang nakaitim na lalaki.

Ilang saglit pa, isa pang lalaki ang pinagtulungang isakay sa tricycle upang dalhin sa ospital nang pagsasaksakin ng lalaking nakaitim na namataang tumatakbo.

Nagtamo ng sugat sa iba't ibang parte ng katawan ang biktima.

"Eh kasi 'yung babae, sa akin may gusto eh. Nagselos, siguro obsessed siya sa babae," sabi ng biktima.

Gayunman, iginiit ng biktima na anak ang kaniyang turing sa live-in partner ng suspek dahil nangungupahan sa kaniyang apartment ang lola nito.

Sinabi ng pulisya na agad nilang nadakip ang 23-anyos na suspek nang makita ng mga rumurondang pulis na may bahid ito ng dugo habang tumatakbo sa bahagi ng Santo Niño Street.

Agad dinala sa ospital ang suspek, na positibo namang kinilala ng biktima.

Nasa kustodiya na ngayon ng Moriones Police Station ang suspek.

Ayon sa kaniya, nagdilim ang kaniyang paningin matapos makita ang kaniyang live-in partner na kainuman ang biktima.

Ilang beses na rin sila umanong nag-away dahil sa biktima, na isang retiradong pulis.

"Hindi ko siya balak patayin. Para alam din po ng babae kung ano 'yung kaya kong gawin, kasi gano'n ginawa niya sa akin, parang inapakan niya 'yung pagkalalaki ko," sabi ng suspek, na pinagsisisihan naman ang kaniyang nagawa.

"Alam ko naman po na mali 'yung ginawa ko eh. Nilagay ko sa kamay 'yung batas," dagdag niya.

Sasampahan ang suspek ng reklamong frustrated murder.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News