Iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad ang sanhi ng pagkamatay ng mga isda sa isang ilog sa Davao City. Ang ilang residente, niluluto at pinupulutan ang ilang namatay na isda kahit pinagbabawalan ng mga awtoridad.
Sa ulat ni John Paul Seniel sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, makikita ang mga isdang namatay habang kinukuha ng mga residente Seaside Bago Aplaya sa Davao City nitong Huwebes ng umaga.
Karamihan sa mga isdang namatay ay mga hito, bangus at tilapia. Mayroong din nakitang mga patay na alimango.
Sabi ng isang residente, noong isang buwan pa nila napapansin na namamatay ang mga isda sa naturang ilog.
Hindi nila, baka kemikal na nanggaling sa pabrika ang nakapatay sa mga isda.
Bagaman hindi pa tiyak ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng mga isda, may ilang residente naman na ginagawang ulat at pulutan ang mga isda.
Hindi ito inirerekomenda ng mga awtoridad dahil posibleng magdulot ng sakit ang mga isdang namatay sa fish kill.
Nangangamba rin ang mga residente na baka umabot hanggang sa dagat kung ano man ang dahilan ng pagkamatay ng mga isda.
Sinabi naman ng City Agriculture's Office na kumuha na sila ng water at fish sample mula sa ilog para masuri at nang malaman ang dahilan ng fish kill. --FRJ, GMA News