Labis ang paghihinagpis ng isang pamilya sa San Francisco, Surigao del Norte nang masawi ang mahal nila sa buhay na dalawang-taong-gulang na bata matapos mabilaukan sa buto ng rambutan.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, ikinuwento ni Johnrie Coter, ama ng biktima, na napabili sila ng rambutan noong Linggo nang may maglako nito sa kanilang lugar.

Nasa labas daw noon ang nasawi niyang anak kaya inabutan niya ang rambutan na kaniyang binalatan.

Hindi umano nagtagal, tinawag siya ng kaniyang panganay na anak dahil nanghihina at bigla raw naglaway ang nakababatang kapatid.

Doon na nila napag-alaman na nalunok ng bata ang buto ng rambutan na sinubukan nilang tanggalin pero nabigo sila.

Nang dalhin nila sa ospital ang bata, hindi na ito umabot nang buhay.

"Hindi na namin nahabol ang pagligtas ng bata. Ilang segundo lang nawalan siya ng paghinga," ayon kay Coter. -- FRJ, GMA News