Isang patay na sanggol ang natagpuan sa toilet bowl ng palikuran ng isang bus terminal sa Cebu City. Hinihinalang tinangkang i-flush ang sanggol at natuluyan nang hindi kaagad nakarating sa lugar ang mga awtoridad.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing nakita ng mga pasahero at mga empleyado sa palikuran ng Cebu South bus terminal ang patay na sanggol na tinatayang nasa limang buwan pa lang na ipinagbubuntis.
Kaagad umanong ipinaalam ng pamunuan ng bus terminal ang pagkakatuklas sa patay na sanggol pero hindi dumating ang mga awtoridad nang gabing iyon.
Dahil dito, isinara na lang muna ng pamunuan ng terminal ang banyo. Pero pagdating ng mga awtoridad kinabukasan kasama ang mga taga-punerarya, wala na ang sanggol at tuluyang na-flush.
Hindi umano napatay ang linya ng tubig sa inidoro kaya posibleng natangay ang sanggol patungo na sa septic tank. -- FRJ, GMA News