Dalawa ang patay, kabilang ang isang sanggol, at hindi bababa sa pito ang sugatan nang mawala sa linya ang isang pampasaherong bus at humampas ang hulihang bahagi nito sa malaking puno sa gilid ng highway sa Camarines Sur nitong Sabado ng gabi.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, sinabing nangyari ang insidente sa Andaya Highway sa Barangay Pinagdapian sa bayan ng Del Gallego pasado alas-9 kagabi.
Galing sa Guian, Eastern Samar ang isang unit ng Fortune Star Bus Line at patungo sana sa Maynila.
Wasak na wasak ang kalahati ng bus. Nagkalat sa highway ang iba't ibang bahagi ng bus tulad ng mga upuan, basag na salamin, mga lata at bakal at mga bahage ng mga pasahero.
Ang mga pasahero sa bandang likuran ang lubhang naapektuhan ng aksidente. Dead on the spot ang isang babae. Hindi na ito makilala dahil sa pinsalang tinamo ng ulo nito. Nakatusok din sa katawan niya ang isang kahoy.
2 patay at hindi bababa sa 7 ang sugatan matapos humampas ang likod ng isang pampasaherong bus sa puno sa gilid ng highway sa Del Gallego, Camarines Sur. @gmanews @dzbb @gmanewsbreaking pic.twitter.com/f65Gb9yVDX
— peewee bacuño ?????? (@hero_peewee) February 10, 2018
Isang limang-buwang sanggol naman ang natagpuan sa gitna ng highway. Dinala ito sa Tagkawayan District Hospital, subalit hindi na umabot na buhay. Agaw-buhay sa ngayon ang ina ng sanggol.
Karamihan sa mga sugatan, na ang iba ay nasa kritikal na kalagayan, ay nagtamo ng matinding head injuries at bone fractures. Sila ay isinugod sa Bicol Medical Center sa Naga City.
Aabot sa 47 ang sakay ng bus. Kuwento ng ilang survivors, sobrang tulin daw ng takbo ng nito. Binabalewala rin daw ng driver ang mga paliko-likong bahagi ng highway, hanggang sa pagewang-gewang na ito bago humampas sa puno.
Nagtanggkan tumakas ang driver, ngunit sumuko rin ito kalaunan.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga pulis-Del Gallego sa insidente. —Peewee Bacuño/LBG, GMA News