Pansamantalang hindi nadaanan ang isang bahagi ng Old Zigzag Road, na tinatawag ding "bitukang manok" sa Atimonan, Quezon nang bumuho ito dahil sa matinding pag-ulan.
Sa ulat ni Jam Sisante sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing kinordonan para kumpunihin kaagad ang naturang bahagi na gumuho.
Pinag-iingat ng mga awtoridad ang mga motorista na dumadaaan dahil sa posibilidad ng pagguho ng lupa at kalsada.
Sa mga barangay ng Balubat at Sapaan sa Atimonan pa rin, umapaw ang mga spillway kaya binaha ang mga kalsada.
Umabot ang perwisyo ng baha hanggang sa bayan ng Mauban.
Ilang kalsada rin ang nalubog sa baha sa Virac, Catanduanes dahil sa pag-ulan nang ikutin ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.
Binabantayan ng mga awtoridad ang pagtaas ng tubig sa mga ilog at ang posibilidad ng pagguho ng lupa.
Sa Romblon, stranded din ang ilang residente sa dalawang barangay matapos umapaw ang ilog.
Hindi madaanan dahil sa baha ang kalsadang humahati sa dalawang barangay. -- FRJ, GMA News