Anim na tao sugatan sa isang aksidente sa daan na kinasangkutan ng isang SUV at owner-type jeep sa Maharalika Highway sa Plaridel sa lalawigan ng Quezon.

Sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang insidente dakong alas-3 ng madaling-araw sa barangay Concepcion sa bayan ng Plaridel.

Photo by BFP Plaridel
Pahayag ng mga awtoridad, pantungong Bohol sa Central Visayas ang Ford Everest nang sumalpok ito sa isang nakaparadang owner-type jeep.
 

Sugatan ang anim na sakay ng SUV, na sa tindi ng pagsalpok tumagilid sa gitna ng highway, durog-durog ang windshield, at magkayupi-yupi ito.

Agad namang nakaresponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection ng Plaridel at agad na nasaklolohan ang mga sugatan.

Ayon sa imbestigasyon ng pulis-Plaridel, nasilaw umano ang driver sa ilaw ng isa pang SUV na nakasalubong nito at hindi umano nakita ang owner type jeep na naka parada sa gilid ng highway. —Peewee Bacuño/LBG, GMA News