Nilantakan ng isang lalaki ang isang buong cake bago tuluyang pagnakawan ang nilooban niyang saradong supermarket sa Baao, Camarines Sur.

Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa 24 Oras nitong Sabado, na-hulicam ang lalaking palakad-lakad papunta sa refrigerated section ng saradong supermarket upang kumuha ng cake.

Matapos kainin ang cake, sunod namang kinuha ng lalaki ang softdrinks bilang panulak.

Bago umalis, ninakaw ng suspek ang service phone ng supermarket at pera na may halagang P12,000.

Ayon sa mga awtoridad, posibleng residente lamang sa lugar ang suspek dahil alam niya ang pasukan ng supermarket.

"Naka-gain entry siya sa likod ng mall operations office. May window grills doon, doon siya pumasok. Finorce niya 'yon kaya siya nakapasok," sabi ni Inspector Andrew Belleza, deputy chief ng Baao police.

"Most probably tagadito lang siya kasi alam niya ang area eh. Alam niya rin sa'n siya papasok," dagdag ni Belleza.

Tinutugis na ngayon ang suspek.

Samantala, sa Tagum City, Davao del Norte, nakunan din sa CCTV camera ang isang motorcycle rider na nagnakaw ng helmet.

Makikitang tila may inaabangan ang suspek sa labas ng city hall.

Tumayo ito at nang makahanap ng tamang tiyempo, kinuha niya ang helmet ng katabing motorsiklo saka umalis.

Mabilis namang nakaresponde ang awtoridad at nahuli ang suspek. Nabawi rin ang ninakaw na helmet. —Anna Felicia Bajo/ALG, GMA News