Isang apat na taong gulang na babae ang nasawi matapos siyang mabagsakan ng steel railings habang naglalaro sa plaza sa Dagupan City, Pangasinan.

Sa ulat ni Alfie Tulagan sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing hatid-sundo ng magulang ang biktimang itago natin sa pangalang Angela sa isang daycare center sa nabanggit na lungsod.

Kadalasan umanong nagpupunta ang biktima sa plaza kasama ang ina pagkatapos siyang sunduin sa daycare center para hintayin naman ang kaniyang kapatid na nag-aaral sa katabing paaralan.

Pero sa isang hindi inaasahang pangyayari, nabagsakan si Angela ng steel railings na nakalagay sa entablado ng plaza.

Kuwento ng lolo ng isa sa mga batang kalaro ni Angela, kamuntik nang mapasama ang kaniyang apo sa muntik nang mabagsakan ng bakal na bakod.

Hindi rin niya alam kung bakit iniwan sa entablado ang steel railings na delikadong bumagsak sa mga batang naglalaro sa lugar na yon.

"Naglalaro, nagtatakbuhan tapos naano sila sa railings siguro, hawak-hawak, niyuyugyug ayun sa sobrang yugyog siguro naitulak nung kuya nung bata ayun, natumba yung railings," ayon kay lolo Jess Fernandez

Nasa pagpupulong ang head security ng city plaza kaya walang makapagbigay ng pahayag, ayon sa ulat.

Lagi naman daw may nagsisitang guwardiya sa lugar kung saan naganap ang aksidente.

Hindi na rin nagbigay ng pahayag ang pulisya, alinsunod sa kahilingan ng pamilya.
Maging ang ama ng biktima, tumanggi nang magsalita tungkol sa nangyari.

Nagpahayag naman ang city government na tutulong sa gastusin ng burol at libing ng biktima. -- FRJ/KVD, GMA news