Naging palaisipan at nagdulot ng takot sa mga netizen ang nag-viral na video na makikita ang nagliliyab na apoy sa gitna ng dagat sa Tawi-Tawi. Ano nga ba ang dahilan para magkaroon ng apoy sa dagat? Alamin.
Sa programang “Dami Mong Alam, Kuya Kim!” ikinuwento ng uploader na si Nur Jums na patungo sa Sitangkai ang kanilang grupo mula sa Bongao nang nakita nila ang apoy sa gitna ng dagat.
Dahil sa pangamba, hindi na nilapitan ng kanilang grupo ang apoy.
Ngunit kalauan, isang netizen ang nagkomento sa post upang linawin ang dahilan kung bakit nagkaroon ng apoy sa naturang lugar.
Ayon sa netizen, ang pinagmulan ng apoy ay ang krudo mula sa kanilang bangka na nasunog.
Itinapon daw nila ang krudo na karga nila na nasa container.
“Kami ang nasunugan noong araw. Buti na lang po naitapon namin ang gasolina,” sabi ng netizen. “Opo. Ang apoy sa dagat hindi po ‘yan underwater volcano. Isang container gasolina po.”
Paliwanag ni FO1 John Michael Ventura ng Bureau of Fire Protection, Taytay, may tinatawag na “Tetradron of fire” na kinabibilangan ng langis o fuel. Ito ay mga flammable liquid ay hindi agad basta-basta naapula ng tubig lamang.
Ilan sa flammable liquids ang gasolina, diesel, langis, thinner at pintura, na may katangian ng polarity.
Ang polar liquids ay may negative at positive sign gaya ng magnet, na nakatutulong para humalo sa iba't ibang polar liquids. Ngunit ang non-polar liquid naman ay walang positive o negative charge ends kaya hindi ito humahalo sa polar liquid.
Isang polar liquid ang tubig habang non-polar liquid naman ang gasoline o oil.
Pangalawa, ipinaliwanag ni Ventura ang tungkol sa density ng mga likido.
Ang flammable liquids ay may mas mababang density habang ang tubig ay mas mataas.
Kaya kapag pinaghalo sila, nasa itaas lang ang flammable liquids habang nasa ilalim naman ang tubig.
Pangatlo at panghuli ay ang intermolecular forces.
May hydrogen ang tubig na hindi naaakit na humalo sa mga flammable liquid.
“So itong tatlong ‘yun, doon natin makikita na hindi sila naghahalo. At ‘pag sinindihan ang isang flammable liquid sa tubig, liliyab pa rin siya,” sabi ni Ventura.
Kaya para maapula ang apoy na dulot ng flammable liquid gaya ng gasolina, maaaring gumamit ng AFFF o aqueous film forming foam fire extinguisher. Maaari din ang sabon o carbonated drink.
“Ano ba ‘yung meron sa sabon? ‘Pag siya natunaw na sa tubig, meron siyang bula at dulas. At ‘yun po ang nag-cover du’n sa buong apoy at hindi na siya kakalat kahit pa ito ay flammable liquids. At ang isa pa po natin ginamit, ‘yung fire extinguisher na kung saan AFFF po siya. At nakadesign po talaga siya sa Class B fire. At yun ay mga flammable liquids. Kaya naman, kung napapansin nyo po, para din siyang tubig na may sabon,” paliwanag ni Ventura. -- FRJ, GMA Integrated News