Iniutos ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na ihanda ang ano mang "assets" ng Pilipinas para ilikas ang mga Pinoy na maiipit sa kaguluhan sa Middle East sa kahit anumang paraan – by air, or by sea,
Inihayag ito ni Marcos sa isinagawang online meeting nitong Miyerkoles kasama sa mga kasapi ng Gabinete.
Ayon sa Presidential Communications Office, dumalo sa naturang Zoom meeting sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Defense Secretary Gilberto Teodoro, Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac at National Security Adviser Eduardo Año.
''We are now going to evacuate our people by whatever means – by air, or by sea,” bilin ni Marcos sa Cabinet officials na iniutos na masusing subaybayan ang sitwasyon sa Gitnang Silangan.
“And, just make all the preparations so that malapit na lahat ng asset natin. Kung may barko tayong kukunin, nandiyan na malapit na sa Beirut na sandali lang basta’t the Embassy gives us the clearance and they say that our people can go, mailabas na kaagad natin so that hindi sila naghihintay ng matagal in danger areas," sabi pa ni Marcos na nasa Lao PDR [Laos] ngayon para dumalo sa ASEAN Summit and Related Summits.
Ayon kay Teodoro, nakahanda na ang bansa na ilikas ang mga Pinoy na apektado ng krisis sa Middle East pero hinihintay pa ang exit clearances mula sa Lebanon.
“We’re ready, willing and able [to repatriate Filipinos] at any time. We’re just waiting for the diplomatic clearances of the expatriates to be processed out of Beirut,” sabi ni Teodoro.
Sinabi naman ni Philippine Ambassador to Lebanon Raymond Balatbat kay Marcos na ginagawa ang lahat ng paraan para mabilis na makuha ang exit clearances para sa isasagawang repatriation.
Sa talumpati ni Marcos sa meet and greet sa Filipino community sa Lao PDR, sinabi ng pangulo na nakikipag-usap siya sa mga kinauukulang opisyal tungkol sa repatriation ng mga Pinoy na apektado sa sigalot ng Israel at Lebanon.
''Kaya’t ngayon lang – kanina nga ay pinag-uusapan namin kung papaano namin gagawin upang maiuwi ang ating mga kababayan na nasa Lebanon, ‘yung iba nasa Israel. Nagigitna – nandoon sila sa lugar na medyo delikado kaya’t palagay... dahil talagang nagkaka-giyera na doon,'' ani Marcos.
Tiniyak din ni Marcos na prayoridad ng pamahalaan ang kaligtasan ng mga Pinoy sa rehiyon.
Una rito, pinayuhan ang mga Pinoy sa Israel na iwasan ang ilang lugar sa Middle East, kabilang ang ilang lugar sa Israel at Lebanon, dahil sa tumitinding hidwaan sa lugar.
Kamakailan lang nagbagsak ng bomba ang Israel sa Hezbollah targets sa Lebanon, bukod pa sa Gaza Strip. Ganti ito ng Israel sa pinakawalang rockets ng Hezbollah na tumama sa Haifa, sa Northern Israel nitong weekend.— FRJ, GMA Integrated News