Hiniling ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga kaanak at kaibigan ng mga overseas Filipino worker (OFW) na nasa Lebanon na hikayatin ang mga ito na bumalik muna sa Pilipinas dahil sa tumitinding hidwaan ng Hezbollah group at Israeli forces.
Sa ulat ni Sam Nielsen sa Super Radyo dzBB, sinabi ng OWWA na ang mga OFW at miyembro ng kanilang pamilya ay maaaring makipag-ugnayan sa kanila sa:
- OFWs: +961 79110729
- Dependents: +961 70858086
Nitong Linggo, sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega na nasa 1,000 Pinoy sa Lebanon ang nagpahayag ng kagustuhang bumalik sa Pilipinas.
Mayroon umanong 11,000 Pilipino sa Lebanon, na kabilang ang mga undocumented.
Nitong Biyernes ng gabi, naglabas ng abiso ang Philippine Embassy sa Lebanon para hikayatin ang mga Pinoy doon na lumikas na habang bukas pa ang paliparan.
Ang mga hindi makaalis, hinikayat ng embahada na pumunta sa mga ligtas na lugar gaya ng Beirut, South Lebanon, at Bekaa Valley.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa "24 Oras Weekend," sinabi ng OFW na si Bernadith Guiang na mananatili muna siya sa Beirut sa kabila ng hiling ng kaniyang pamilya na umuwi na sa Pilipinas.
“Hindi pa naman ako nag-aalala pero 'yun lang gusto ko lumipat kung may lilipatan ako. Huwag kayong mag-alala sa akin kasi okay naman po ako rito kung lumala ang sitwasyon, baka umuwi na rin ako,” sabi ni Guiang.
Lalong tumindi ang tensyon nang magsagawa ng pag-atake ang Israel sa Southern Lebanon na 10 ang nasawi, kabilang ang dalawang bata, ayon sa Hezbollah.
Inilagay ng Department of Foreign Affairs sa Alert Level 3 ang sitwasyon sa Lebanon na nangangahulugan ng voluntary repatriation. Ayon sa DFA, masusi nilang sinusubaybayan ang sitwasyon doon kung kailangang itaas pa sa Alert Level 4 ang sitwasyon o mandatory repatriation.
“Tense ang sitwasyon. Merong mga events o haka-haka o pinapalagay na mangyayari in the next few days na nagsasabing lalala ang sitwasyon,” ayon kay Department of Migrant Workers Secretary Hans Cacdac, na nagsabing handa silang tumulong sa paglilikas ng mga Pinoy doon. — FRJ, GMA Integrated News