Mahigpit na inabisuhan ng Philippine Embassy sa Lebanon ang mga Pinoy doon na umalis na habang bukas pa ang airport dahil sa tumitinding tensyon doon.
"The Philippine Embassy in Lebanon strongly urges all Filipino citizens to leave Lebanon immediately while the airport remains operational," saad sa abiso ng embahada.
"We advise all Filipino nationals to prioritize their safety and depart the country as soon as possible," dagdag nito.
Ang mga hindi makakaalis ng Lebanon, pinayuhan na pumunta sa mga ligtas na lugar.
"If you are unable to leave Lebanon, we strongly recommend that you evacuate to safer areas outside of Beirut, South Lebanon, and the Bekaa Valley," ayon sa embahada.
Ang mga nais magpa-repatriate, sinabihan na sagutan ang form na makikita Google docs.
Ang mga mangangailangan ng tulong, maaari ding makontak ang embahada sa mga sumusunod na numero:
- Para sa mga OFW (documented o undocumented): +961 79110729
- Para sa mga overseas Filipino (Dependents with Permanent Resident Status, i.e., wife iqama): +961 70858086
"The safety and security of every Filipino citizen is our top priority. We urge you to act swiftly and follow the above instructions to ensure your safety," paalala ng embahada.
Inihayag naman ng Department of Migrant Workers na handa silang tumulong sa paglilikas ng mga Pinoy sa Lebanon.
Tumaas ang tensyon ng Israel at Lebanon-based Hezbollah nitong nakalipas na mga linggo.
Noong nakaraang buwan, nagpakawala ng drone na may bomba ang Iranian-backed Hezbollah sa Golan Heights na sakop ng Israel, na ikinasawi ng 12 katao na karamihan ay mga bata.
Kamakailan lang, nagsagawa ng air strike ang Israel sa southern Beirut na ikinasawi ng Hezbollah senior military commander na si Fuad Shukr.
Nagsagawa rin ng air strike ang Israel sa Tehran, Iran na ikinasawi ng Hamas political leader na si Ismail Haniyeh. —FRJ, GMA Integrated News