Inihayag ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na sinimulan nang asikasuhin ang repatriation sa mga labi ng tatlong overseas Filipino workers (OFW) na nasawi sa nasunog na gusali Kuwait.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing nitong Biyernes, sinabi ni OWWA administrator Arnel Ignacio, na mabilis ang pagtugon ng pamahalaan ng Pilipinas upang matulungan ang mga Pinoy na naapektuhan ng trahedya.
''Ang maaasahan nila, wala naman po tayong natitipid pagdating sa pagtulong sa ating mga kababayan na ganito ang mga nagiging sitwasyon. We are very very quick on the needs of our OFWs,'' sabi ni Ignacio.
''Ang repatriation nito ng remains ay in the process na po," dagdag niya.
Una rito, sinabi ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na nasawi ang tatlong OFW dahil sa nalanghap na usok.
Ang tatlong nasawi ay bahagi ng 11 OFWs na nagtatrabaho sa isang Kuwaiti construction company. Ang tinutuluyan nilang gusali, kasama ang iba pang dayuhang nagtatrabaho sa naturang kompanya ang nasunog.
Umabot sa 49 ang nasawi sa naturang sunog, may dalawa pang OFWs ang kasama sa mga nasugatan.
Tatlo katao ang inaresto ng mga awtoridad kaugnay sa nangyaring sunog. —FRJ, GMA Integrated News